Esteban naka-bronze sa Jr. World Cup fencing

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Maxine Esteban ang tansong medalya sa women’s foil individual event ng prestihiyosong 2018 World Cup Junior Tournament na ginanap sa Guatemala City sa Guatemala.

Nakapasok sa knockout stage ang Ateneo de Manila University standout nang walisin nito ang lahat ng kaniyang asignatura sa Pool C.

Tinalo ni Esteban sina Kania Saucedo ng Guatemala (5-0), Michela Somocurcio ng Peru (5-1), Gayatri Banot ng Amerika (5-3), Sofia McGoff ng Puerto Rico (5-1) at Jubanel Taylor ng Costa Rica (5-1).

Dahil sa kaniyang malinis na rekord sa group stage, nakasiguro si Esteban ng first-round bye sa knockout stage.

Pinayuko nito si Carolina Stutchbury ng Great Britain sa quarterfinals (5-1) ngunit natalo ito kay Amita Berthier ng Singapore sa semifinals (1-5) para magkasya sa tansong medalya.

Nasikwat ni Berthier ang gintong medalya matapos talunin si Hanna Andreyenka ng Belarus sa championship round sa iskor na 5-1.

Show comments