Dela Cruz ‘di nagmamadali sa Ginebra
MANILA, Philippines — Hindi mamadaliin ni Art Dela Cruz ang tuluyan niyang pagbabalik sa paglalaro sa kabila ng pagkakasali sa active line-up ng Barangay Ginebra papasok sa playoffs ng 2018 PBA Governors’ Cup.
Matapos ang pamamahinga ng higit sa isang taon ay nakapag-ensayo na ulit si Dela Cruz.
Sa katunayan ay naglaro na siya para sa Gin Kings sa 97-104 kabiguan nila kontra sa Rain or Shine Elasto Painters kung saan nagtala siya ng 2 points, 2 rebounds, 1 assist at 1 steal sa loob ng anim na minuto.
Iyon ang unang suot ng uniporme ni Dela Cruz matapos ang eksaktong isang taon at dalawang buwan na pagkakapilay.
Noong Marso ay nagtamo ng raptured Achilles injury si Dela Cruz nang nasa panig pa siya ng Blackwater sa kalagitnaan ng kanyang pagsasanay sa Gilas Pilipinas.
Nang malipat siya sa Ginebra ay nadiskaril ang kanyang team debut nang madale ulit ng kaparehong injury bago ang simula ng 2017-2018 PBA Season.
Ayon kay Dela Cruz sa susunod na conference pa ang kanyang planong pagbabalik.
“Sabi sakin ni coach (Tim Cone) ang plano niya talaga sa akin is next conference. Kaya para sa akin, slowly but surely pa rin,” sabi ng 25-anyos na si Dela Cruz.
Wala pa sa kundisyon si Dela Cruz na nasa 60%-70% pa lamang.
“Actually mga 60-70 percent pa lang ako. Wala pa rin ako sa kundisyon kaya hindi pa ganun ka-solid. Gusto ko munang mabalik ‘yung parang Blackwater saka San Beda,” ani Dela Cruz.
- Latest