Ginawa lahat ni Sean Anthony

Sinagasaan ni NorthPort small forward Sean Anthony ang depensa ni Jackson Corpuz ng Columbian.
PBA Images

MANILA, Philippines — Ginawa na ni veteran small forward Sean Anthony ang lahat para maipanalo ang NorthPort.

Kumolekta ang 6- foot-2 na si Anthony ng 25 points para tulungan ang mga Batang Pier na banggain ang Columbian Dyip, 118-101 para sa kanilang unang panalo sa 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

“It’s huge. We can’t afford another lost,” sabi ng 32-anyos na Fil-Canadian na nagdagdag ng 9 rebounds at 6 steals para sa koponan ni coach Pido Jarencio. “We’ll take it one game at a time.”

Umiskor sina Stanley Pringle at Moala Tautuaa ng tig-26 points habang may 13 markers si import Rashad Woods.

Bumangon ang NorthPort mula sa 11-point deficit sa third period para makasama sa win column sa kanilang 1-6 record habang nalasap ng Columbian ang pangwalong sunod nilang kamalasan.

Matapos kunin ng Batang Pier ang 53-50 abante sa halftime ay kumamada ang Dyip sa likod nina Jerramy King, Jackson Corpuz at import Akeem Wright para iposte ang 73-62 kalamangan sa 6:52 minuto ng third quarter.

Nagawa itong maputol ng NorthPort sa pagsasara ng nasabing yugto, 86-89 hanggang maagaw sa Columbian ang 93-89 bentahe sa pagsisimula ng fourth period.

Huling nakatabla ang Dyip sa 93-93 mula sa basket ni King bago mag-hulog ang Batang Pier ng 23-1 bomba sa pangu-nguna nina Anthony at Stanley Pringle para ilista ang 116-94 abante sa hu-ling 2:02 minuto ng laro.

Samantala, target ng nagdedepensang Barangay Ginebra ang kanilang pang-pitong panalo sa pagsagupa sa Meralco ngayong alas-6:45 ng gabi matapos ang bakbakan ng Blackwater at Rain or Shine sa alas-4:30 ng hapon sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Hangad ng Gin Kings na makalapit sa isa sa apat na ‘twice-to-beat’ incentives na ibibigay sa No. 1, 2, 3 at 4 teams sa quarterfinals.

Show comments