Bolts may ga-buhok pang tsansa

MANILA, Philippines — Lubusang ininda ng Me­ralco ang pagkawala ng apat nilang manla­laro kaya’t nagkukumahog sa 2018 FIBA Asia Champion’s Cup sa Nonthaburi, Thailand.

Bagama’t may maliit pang tsansa dahil may laban pa kontra sa  nagdedepensang Al Riyadi habang isinusulat ang ba­litang ito kagabi, ramdam ni head coach Norman Black ang pilay-pilay niyang koponan.

May 0-2 kartada ang Bolts sa Group B matapos ang pares ng masakit na kabiguan kontra sa host Mono Vampire, 92-100, noong Huwebes at kontra sa Alvark Tokyo ng Japan, 73-84, noong Biyernes.

Sa dalawang pagka­talo ay tanging sina im­ports Allen Durham at Diamond Stone ang na­kapagpasik­lab bunsod ng kulang-ku­lang na local sup­port.

Hindi nakasama sa bi­yahe ng koponan sa Thailand ang dalawang beteranong sina Jared Dil­linger at Ranidel De Ocampo.

Nagtamo ng quad in­jury si Dillinger bukod pa ang dati nang bone spurs injury, habang si De Ocampo naman ay ba­hag­yang may punit sa kanyang kaliwang binti.

Bukod sa kanila ay hindi rin nakakalaro sina Filipino-Americans Chris Newsome at Cliff Hodge na hindi pinayagan ng world basketball gover­ning body na makapag­laro bilang local players ng Bolts.

Bahagi ng regular na rotasyon ni Black, susi sana ang apat na manla­laro sa magiting na kampanya ng Meralco na na­sa panganib ngayon.

Kasalukuyang nasa du­lo ng Group B ang Meralco sa likod ng Alvark (2-0), Mono Vampire (1-1) at Al Riyadi ngunit may ga-buhok pa ring tsansa na makapasok sa susunod na round.

Ito ay kung matatambakan ng Bolts ang Al Riyadi at ibabaon din ng Alvark ang Mono upang makapuwersa ng three-way tie sa No. 2.

Show comments