Bolts may ga-buhok pang tsansa
MANILA, Philippines — Lubusang ininda ng Meralco ang pagkawala ng apat nilang manlalaro kaya’t nagkukumahog sa 2018 FIBA Asia Champion’s Cup sa Nonthaburi, Thailand.
Bagama’t may maliit pang tsansa dahil may laban pa kontra sa nagdedepensang Al Riyadi habang isinusulat ang balitang ito kagabi, ramdam ni head coach Norman Black ang pilay-pilay niyang koponan.
May 0-2 kartada ang Bolts sa Group B matapos ang pares ng masakit na kabiguan kontra sa host Mono Vampire, 92-100, noong Huwebes at kontra sa Alvark Tokyo ng Japan, 73-84, noong Biyernes.
Sa dalawang pagkatalo ay tanging sina imports Allen Durham at Diamond Stone ang nakapagpasiklab bunsod ng kulang-kulang na local support.
Hindi nakasama sa biyahe ng koponan sa Thailand ang dalawang beteranong sina Jared Dillinger at Ranidel De Ocampo.
Nagtamo ng quad injury si Dillinger bukod pa ang dati nang bone spurs injury, habang si De Ocampo naman ay bahagyang may punit sa kanyang kaliwang binti.
Bukod sa kanila ay hindi rin nakakalaro sina Filipino-Americans Chris Newsome at Cliff Hodge na hindi pinayagan ng world basketball governing body na makapaglaro bilang local players ng Bolts.
Bahagi ng regular na rotasyon ni Black, susi sana ang apat na manlalaro sa magiting na kampanya ng Meralco na nasa panganib ngayon.
Kasalukuyang nasa dulo ng Group B ang Meralco sa likod ng Alvark (2-0), Mono Vampire (1-1) at Al Riyadi ngunit may ga-buhok pa ring tsansa na makapasok sa susunod na round.
Ito ay kung matatambakan ng Bolts ang Al Riyadi at ibabaon din ng Alvark ang Mono upang makapuwersa ng three-way tie sa No. 2.
- Latest