BAGUIO CITY, Philippines — Nakopo ni Mary Grace Joson ng Camarines Sur ang unang gold medal sa kumpetis-yon kung saan humakot din agad ang Lucena City ng anim na ginto sa swimming sa pagbubukas kahapon ng 2018 Batang Pinoy National Finals sa Baguio Athletic Bowl dito.
Inangkin ng 15-anyos na si Joson ang ginto sa girls 16-17-year old discuss throw ng athletics event sa hataw na 26.87-metro upang masungkit ang unang gintong medalya sa isang linggong kumpetisyon.
“Alay ko ang panalong ito sa Tatay ko na hindi ko na nakikita dahil nagtrabaho siya sa Dubai. Sa telepono lang kami nag-uusap,” sabi ng Grade 9 estudyante ng Camarines Sur High School.
Pumapangalawa kay Joson si Janine Ledina ng Zambales sa 26.64-meters at nakuha naman ni Althea Guadalupe ng Gen. Santos City ang bronze medal sa 26.54.
Kumopo rin ng tig-dalawang gintong medalya sina Markus Johannes De Kam at Mervien Jules Mirandilla para pangunahan ang arangkada ng Lucena City at tig-dalawa rin sina Roz Ciaralene Encarnacion ng Laguna at Michel Althea Baluyot ng Quezon City sa swimming competition sa Baguio aquatic center.
Nagwagi ang 12-anyos na si De Kam sa boys 12-year 100-m freestyle (59.11-sec) at 5—meter backstroke (32.27-sec) habang ang 15-anyos na si Mirandilla ay namayani sa boys 13-15-year 100-m freestyle (58.38) at sa 100-m butterfly (59.92).
Bukod sa Lucena City, nakakuha rin ng apat na ginto ang Laguna mula kina Roz Ciaralene sa girls 12-year 200-m IM (2:40.97) at 50-m breaststroke (37.33), Rosanne Ysabelle Biglete sa girls 12-year 100-m freestyle (1:04.81) at John Marocenel Alagon sa boys 12-year 100-m butterfly (1:05.05).
Hindi rin nagpahuli ang Quezon City at umukit ng tatlong ginto mula kina Zoe Marie Hilario sa girls 13-15-year 200-m IM (2:38.57) at dalawa kay Baluyot sa girls 13-15-year 100-m freestyle (1:01.16) at 100-m butterfly (1:06.98).
Ang ibang nakakuha ng ginto sa unang araw ng swimming ay sina Vince Leano Dalman ng Dipolog sa boys 12-year 200-m IM, Ethan Roy Go ng Tanauan City sa boys 13-15-year 200-m IM, Chloe Sophia Laurente ng Ormoc sa girls 12-year 50-m backstroke, Samantha Therese Coronel ng Makati sa girls 13-15-year 50-m backstroke, Mary Sophia Manantan ng Puerto Princesa City sa girls 13-15-year 50-m breaststroke (36.24) at Mikaela Jasmine Mojdeh ng Parañaque sa girls 12-year 100-m butterfly.