Miciano maaari pang tumapos sa Top 10 sa Zeeland meet

MANILA, Philippines — Pinataob ni International Master John Marvin Miciano si Woman FIDE Master Sonja Maria Bluhm ng Germany para muling makapasok sa Top 10 sa eight round ng 22nd Hogeschool Zeeland chess tournament sa Vlissingen, the Netherlands noong Biyernes ng gabi.

Ang panalo ang tumapos sa dalawang sunod na kamalasan ng 17-anyos na si Mician para makisosyo sa ninth place kasama ang 12 players sa magkakatulad nilang 6.0 points sa ilalim ni solo leader GM Sandro Mareco (7.0) ng Argentina.

Nilalabanan pa ni Miciano si second seed GM Jorden Van Foreest ng the Netherlands sa ninth at final round kagabi habang isinusulat ito.

Nauna nang nakalaban ni Van Foreest sina WGM Janelle Mae Frayna at GM Jayson Gonzales.

Yumukod ang Dutch kay Gonzales sa seventh round at binigo naman si Frayna, ang biyahe ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission at ni STAR president at chief executive officer Miguel Belmonte.

Hangad ni Miciano na talunin si Van Foreest para ganap nang makasama sa Top 10.

Nahulog naman si Frayna, natalo kay Van Foreest sa 38 moves ng French Defense, sa 22nd place sa kanyang 5.5 points at maaari pang tumapos sa top 15 kung mananalo siya kay IM Casper Schoppen ng the Netherlands, habang haharapin naman ni Gonzales si Indian IM P Shyaamnikhil.

Show comments