Team Manila kampeon uli sa U18 Pony World Series

MANILA, Philippines — Matagumpay na nasungkit ng Team Manila-Philippines ang kampeonato sa prestihiyosong Pony World Series 18-U Girls Softball Championship na ginanap sa Diamond Valley Park sa Valley-Wide Recreation District sa Hemet, California.

Pinataob ng Pinay batters ang 2016 World Series Champion at 2017 runner-up Central Hemet Xplosion sa bendisyon ng 5-1 desisyon para matamis na maipagtanggol ng Pilipinas ang korona sa naturang torneo.

Nagpasiklab ng husto ang 17-anyos ace pitcher na si Alma Tauli nang magtala ito ng walong strikeouts para pigilan ang atake ng Californians.

Sa umpisa pa lang, gitgitan na ang laban ngunit kumawala ang Pinay squad sa third inning nang magsanib-puwersa sina Angelu Gabriel, Mary Joy Maguad, Cleofe Magsayo at Alexandria Romero-Salas.

Dinala pa nina Khisha Cantor at Aliza Pichon ang Pilipinas sa 3-1 kalamangan sa fourth inning na siyang naging matibay na sandalan ng tropa para makuha ang panalo.

Nakapasok sa finals ang Pilipinas matapos pul-busin ang Riverside County Lady Laces sa semifinals sa bendisyon ng 11-0 demolisyon.

Show comments