MANILA, Philippines — Walang makabasag sa bangis ng Far Eastern University nang iselyo ang 25-15, 25-22, 25-18 panalo laban sa San Sebastian College-Recoletos upang masolo ang liderato sa Premier Volleyball League Season 2 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Balanseng atake ang inilatag ng Lady Tamaraws upang makuha ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Nanguna sa pagkakataong ito si Heather Guinoo na may 9 puntos at 9 digs, habang nagsumite ng tig-walo sina middle hitters Jeanette Villareal at Celine Domingo sa hanay ng FEU.
Nakagawa naman ng 14 excellent sets si playmaker Kyle Negrito kalakip ang limang hits, samantalang nagdagdag si Jerilli Malabanan ng anim na markers.
Hindi naman nakaporma ang Lady Stags.
Nakakuha ang San Sebastian ng pitong puntos mula kay second stringer Sofia Sarmiento.
Malaking balakid sa panig ng Lady Stags ang 31 errors na nagawa.
Hirap din ang San Sebastian sa depensa kung saan tanging 14 receptions lamang ang naitala, habang tatlong sets lamang ang nagawa ni playmaker Alexis Sison.
Magarbo namang sinimulan ng University of the Philippines ang kanilang kampanya matapos palugmukin ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-12, 25-12, 25-23.
Humataw si outside hitter Isa Molde ng 14 puntos, habang may pinagsamang 13 markers sina Marian Buitre at Ai Gannaban para dalhin ang Lady Maroons sa 1-0 panimula.
Sa kabila ng tagumpay, hindi natuwa si UP mentor Godfrey Okumu sa ipinakita ng kanyang mga bataan.
“We were trying to do things in a haste. We’re in a hurry but we’re lucky that we were able to recover,” wika ni Okumu.
Sa men’s division, napaamo ng Adamson University ang San Beda University, 25-23, 25-21, 29-27, para masolo ang liderato tangan ang 3-0 marka.
Kinuha ng reigning NCAA champions na Perpetual Help ang 19-25, 25-22, 21-25, 25-18, 15-13 desisyon kontra sa FEU.