Arellano nakaligtas sa overtime vs Baste

MANILA, Philippines – Umiskor si Levi de la Cruz ng triple sa huling 4.5 segundo para iangat ang Arellano Chiefs sa 82-81 overtime win laban sa San Sebastian Stags habang tinambakan naman ng Letran Knights ang Jose Rizal heavy Bombers, 74-58 kahapon sa 94th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Tinanggap ni Dela Cruz ang bola mula kay Maui Sera Josef at ipinasok ang winning trey sa top of the key  para sa sorpresang panalo ng Chiefs na binubuo halos ng mga baguhan.

“He has a big heart. Pinagalitan ko nga siya before that shot eh. It was a desperate shot, pero ‘yun na ‘yun.  He doesn’t back down on an opportunity. He’s a scorer and he knows he can do it,” sabi ni Arellano coach Jerry Codiñera.

Tumapos si Dela Cruz ng 10 puntos, siyam na assists, limang rebounds at apat na steals para umakyat sa three-way tie sa ikatlong puwesto kasama ang Perpetual Help Altas at Letran Knights sa parehong 2-1 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Lyceum Pirates (4-0) at nagdedepensang San Beda Red Lions (2-0).

Bukod kay Dela Cruz, tumulong din ng 18 puntos at anim na assists si Ian Alban habang si Rex Alcoriza ay umiskor ng 15 para sa tropa ni coach Codiñera.

Sa panalo ng Chiefs, nasayang din ang 28 puntos at 17 rebounds ng ace shooter ng Stags na si Michael Calisaan sa kanilang pagbaba sa 2-3 card.

Hindi naman nagpahuli ang Letran Knights at nasungkit nila ang ikalawang panalo sa tatlong laro laban sa JRU Heavy Bombers na nakatikim ng kanilang pang-apat sunod na talo.

Pinangunahan nina Christian Fajarito at Larry Muyang ang Knights sa kanilang tig-14 puntos bawat isa  na karamihan nito ay sa ikalawang yugto kung saan umalagwa sila ng 20-9 rally para agad lumayo tungo sa malaking panalo.

Samantala, muling sumandal ang Lyceum kay CJ Perez upang igupo ang Mapua tungo sa kanilang ikalimang sunod na panalo.

 

 

Show comments