Gin Kings sinibak ang Bolts

MANILA, Philippines — Nagpasabog si Justine Brownlee ng conference-high na 36 points, 9 assists at 6 rebounds para banderahan ang No. 5 Barangay Ginebra sa 104-90 pagsibak sa No. 4 Meralco sa kanilang quarterfinals showdown sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nagdagdag si seven-foot center Greg Slaughter ng 14 markers para sa 2-0 pagwalis ng Gin Kings sa Bolts sa kanilang best-of-three quarterfinals duel.

Nauna nang kinuha ng Ginebra ang 88-81 panalo kontra sa Meralco sa Game One noong Lunes.

Sasagupain ng Gin Kings, nasa kanilang seven-game winning streak, sa semifinals ang mana-nalo sa quarterfinals match ng No. 1 Rain or Shine Elasto Painters at No. 8 Globalport Batang Pier.

Sinelyuhan ng Ginebra ang kanilang panalo nang isalpak ni Slaughter ang kanyang two-handed slam dunk mula sa assist ni Brownlee para ibaon ang Meralco sa 100-86 sa huling 1:40 minuto ng final period.

Samantala, paglalabanan ng Rain or Shine, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, at Globalport ang silya sa semis sa kanilang ‘rubber match’ ngayong alas-7 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Show comments