Manuel aral kay Ildefonso

Vic Manuel

MANILA, Philippines – Matagal nang tumigil sa paglalaro si “Lakay” Danny Ildefonso ngunit hanggang ngayon ay ramdam pa rin ang kanyang impact sa loob ng hardcourt sa Philippine Basketball Association.

Matapos gabayan si June Mar Fajardo mula sa isang bagitong rookie noong 2013 hanggang sa isang four-time PBA Most Valuable Player ngayon, kay Vic Manuel naman  ngayon nararamdaman ang impluwensya ni Ildefonso.

Nagsisilbi bilang assistant coach sa Alaska sa simula ng Philippine Cup, ginawa ni Ildefonso si Manuel bilang isa sa pinakamagaling na big man ngayon sa loob lamang ng isang komperensya.

Ito ay sa gitna ng career-conference ng 6’4 na si Manuel ngayong Commissioner’s Cup bunsod ng pambihirang 24.50 points at 6.13 rebounds na rehistro sa 21 minutong aksyon lamang upang pangunahan ang ratsada ng Alaska na nasa tuktok ngayon ng team standings hawak ang 7-1 kartada.

“Si Coach Danny ay malaking bagay talaga sa akin. Tyinatyaga ako every practice,” anang tubong Nueva Ecija na si Manuel.  “Every before and after practice, tinuturuan niya ako. Naglalaro kami, extra shots ganun. Sabi niya lang, gawin namin palagi ‘yung mga tinuro n’ya. Ito na nga ang resulta ngayon.”

Patunay ng kanyang galing ngayong komperensya, ang 30-anyos na si Manuel ang tinanghal na Best Player of Game nang anim na beses sa pitong panalo ng Alaska. Nagwagi na rin siya ng dalawang Player of the Week citations upang maging top candidate ng Best Player of the Conference.

Ito ay dahil lahat sa two-time MVP at mi-yembro ng 40 Greatest Players na si Ildefonso.

Ngunit hindi inangkin ng Urdaneta, Pangasi-nan native ang credits sa pagsabing ang paggaling ni Manuel ay produkto ng kanyang sariling sipag.

“Sa kanya rin ‘yun dahil nakikinig s’ya at nakikipag-cooperate s’ya. Ang lagi ko lang sinasabi sa kanya, ang kalaban mo ay ang sarili mo, hindi ‘yung opponents mo,” diin ni Ildefonso.

Tinaguriang isa sa pinakamagaling na big man ng kanyang panahon, si “Demolition Man” Ildefonso naman ngayon ang  dahilan ng pamamayani ng pinakamagagaling na big men ng PBA ngayon sa katauhan ni Fajardo, Manuel at ng maraming susunod pa.

 

Show comments