Valdez babandera sa Philippine team sa ASIAD
MANILA, Philippines — Buo na ang Final 14 ng Philippine women’s national team na hahataw sa 2018 Asian Games sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.
Inihayag ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. ang official lineup na isusumite nila sa Philippine Olympic Committee (POC) sa pangunguna ni Aby Maraño ng F2 Logistics na siyang itinalagang team captain ng tropa.
Kasama rin ang mga katropa nito sa Cargo Movers na sina middle hitter Majoy Baron, opposite spiker Kim Kianna Dy, open spiker Cha Cruz, libero Dawn Macandili at setter Kim Fajardo.
Magpapasiklab din ang twin towers ng Philippine volleyball na sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat ng Foton gayundin sina dating Ateneo de Manila University standouts Alyssa Valdez at Jia Morado ng Creamline at sina Mika Reyes at Ces Molina ng Petron Blaze.
Nasa reserve list sina setter Rhea Dimaculangan ng Petron at libero Denden Lazaro ng Cocolife.
“Ibibigay lang namin ‘yung best namin dahil malalakas na teams talaga ang kasali sa Asian Games. Magandang opportunity ito sa mga players para makakuha ng experience sa isang mataas na level na competition,” wika ni national team head coach Shaq Delos Santos.
Kapuna-puna ang pagkawala ni Pocari Sweat-Air Force ace player Myla Pablo na isa sa pinakamahusay na outside hitter sa bansa sa kasalukuyan.
Hindi rin nakuha sina Mylene Paat, CJ Rosario, MJ Phillips, Rebecca Rivero at Maika Ortiz.
Ngunit mananatili ang mga ito sa national pool.
Nilinaw ng coaching staff na magkakaroon ng tsansang makapaglaro ang iba pang miyembro ng national pool sa ibang torneo partikular na sa Asian Women’s Volleyball Cup na gaganapin naman sa Setyembre sa Thailand.
Sisimulan ng national team ang kanilang paghahanda sa pagsalang sa Philippine Superliga Invitational Conference na magsisimula sa Hunyo 23.
Sa kabila ng iba’t ibang koponang pinanggalingan ng mga players ay tiniyak ni Maraño na hindi magiging problema ang kanilang samahan.
“Wala namang magiging problema dahil magkakakilala na kami. Masaya kami sa training,” sabi ni Maraño.
- Latest