Wonderland nalo sa 2nd leg ng triple crown stakes
MANILA, Philippines — Isa-isang nilampasan ng kabayong Wonderland ang kanyang mga kalaban para angkinin ang prestihiyosong 2nd leg ng Triple Crown Stakes race sa karerahan ng Saddle Club & Leisure Park sa Naic Cavite.
Pinatungan ni jockey Fernando M. Raquel Jr., ang kabayo ni Herminio H. Esguerra ay umalis na pinakakulelat grupo.
Ang nagpatiuna tulad ng dati ang paboritong Smart Candy na inibabawan ni Kelvin B. Abobo at mabilis siyang binigyan ng laban ng coupledmate ni Wonderland na Speedmatic na si Patricio Ramos Dilema ang sakay.
Sa unang daanan ng grand stand ay tila nagpapasikat pa ang Smart Candy na inilaban ng Santa Clara Stockfarm at kinukundisyon ni Tito E. Santos.
Naka-abang naman sa ikatlong puwesto ang kakampi ni Smart Candy na Box Office na si Jonathan B. Hernandez ang gumagabay.
Sa kalaliman ng labanan ay hindi nagpadaig ang Smart Candy kontra sa Speedmatic na siya pang unang kinakapos sa laban.
Mula naman sa likuran ay naririnig na ang mga yabag ng mga nagpaparemateng mga kabayo sa pangunguna na rin ng Victorious Colt na siyang naging second pick sa bentahan.
Tinangka ring lumagpas ng Victorious Colt na ipinasok ni J.A.G. Zialcita sa Smart Candy pero naroroon pa rin ang lakas at sigla ng tatlong taong babaeng kulay dark bay.
Nang hindi lumagpas ang kabayong inihahanda ni Dabe Dela Cruz na Victorious Colt ay doon na napansin at naramdaman ang malakas na mga kikig ng Wonderland na nasa kalabas-labasan.
Lumagpas pa ng may dalawang horselenght ang Wonderland sa nasegundong Smart Candy, tersero ang Victorious Colt at pang-apat ang Box Office.
Ang panalo ay nagdagdag ng kabang yaman na P1,800,000 sa koneksyon na Wonderland. Ang runner-up purse na P675,000 ay napunta sa koneksyon ng Smart Candy samantalang ang may-ari ng Victorious Colt ay may P375,000. May dagdag pang P150,000 sa Santa Clara Stockfarm dahil sa pang-apat ni Box Office. JMacaraig
- Latest