MANILA, Philippines — Madaragdagan ang bangis ng two-time Philippine Superliga Grand Prix champion Foton matapos kunin ang serbisyo ni Ateneo de Manila University middle hitter Bea De Leon.
Pormal nang inihayag ng Tornadoes ang pagpasok ng mahusay na Lady Eagle sa kanilang tropa upang higit na palakasin ang kanilang tsansa sa PSL Invitational Conference na magsisimula sa Hunyo 23.
Makakasama ni De Leon ang Foton twin towers na sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat gayundin sina Maika Ortiz, Christine Joy Rosario, Ivy Perez at libero Jen Reyes.
“We now have a third tower in our team. We have our twin towers (Santiago sisters) and now we’re introducing her. We have one of the best middle blockers and now she finds a home,” ani Foton team owner Rommel Sytin.
Sabik namang isiniwalat ni De Leon ang pagkakataong makasama ang Santiago sisters sa isang commercial league.
“A big factor in my decision is the current lineup. I see a very big potential with Foton especially playing next to Santiago sisters,” wika ni De Leon.
Dati nang nagkasama sina De Leon at Jaja sa Asian Under-23 Championship na ginanap sa Pilipinas at sa 2017 Southeast Asian Games na idinaos naman sa Singapore.
“Jaja is always been very fun to play with. She’s very humble and very good,” ani De Leon.
Si De Leon ang ikalawang Ateneo player na galing sa UAAP Season 80 ang masisilayan sa aksiyon sa PSL Invitational Conference.
Nauna nang kinuha ng Sta. Lucia Realty si open hitter Jhoana Maraguinot.
Hindi pa isinasara ni De Leon ang pintuan sa posible nitong paglalaro para sa Ateneo sa kaniyang huling taon sa UAAP.
Parehong may isang taong playing eligibility pa sina Maraguinot at De Leon.
Subalit desidido na si Maraguinot na lisanin ang Katipunan-based squad.
“So far, wala pang decision. We’ll see,” ani De Leon na miyembro ng Lady Eagles na nagkampeon noong Season 77.