MANILA, Philippines — Tila naging ensayo lamang para sa Tropang Texters ang kanilang laro kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Inilampaso ng TNT Katropa ang Columbian Dyip, 100-80, para makisosyo sa liderato ng 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Anim na players ang tumapos sa double-figures sa pangunguna ng 21 points ni Troy Rosario para sa pang-limang panalo ng Tropang Texters.
Nagdagdag naman si Terrence Romeo ng 19 markers kasunod ang tig-11 points nina balik-import Josh Smith, Jericho Cruz, Kelly Williams at Don Trollano.
Naglaro lamang ang malapad na si Smith, pumalit kay Jeremy Tyler, sa loob ng 11 minuto.
Nalasap naman ng Dyip ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan sa pitong laro.
Ipinoste ng TNT Katropa ang 36-17 bentahe sa first period hanggang iwanan ang Dyip, nakahugot ng 34 points kay import John Fields, bitbit ang 72-40 kalamangan sa halftime.