Cycling legend isa nang tsuper

Carlo Guieb

MANILA, Philippines — Sa paglipas ng dalawang dekada ay hindi pa pala natapos ang ka­rera ng Philippine cycling legend na si Carlo Guieb.

Dahil ngayon ay pa­tuloy siya sa pagbagtas ng mga daan ngunit hin­di na sakay ng kanyang pinakamamahal na bisikleta kundi ng kan­yang naipundar na jeep­ney bilang isang ma­­­rangal na tsuper sa sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

“Okay lang naman po ako ngayon. Nama­ma­sada po ako ngayon ng jeep,” anang mahi­ya­in pa rin na cyling le­gend matapos ang pa­rangal na iginawad sa kanya sa katatapos lamang na 9th Le Tour de Filipinas.

Kasama ang iba pang Nueva Vizcaya pride na sina Paquito Rivas at Domingo Quilban, ki­nilala si Guieb ng Le Tour nang huminto ang ka­rera sa Bayombong, Nueva Vizcaya para sa second leg ng natata­nging International Cycling Union-sanctioned tour sa bansa.

Suot lamang ang sim­pleng polo at maong na pantalon, walang nag­bago sa mapagkum­baba pa rin na si Guieb na siyang naghari noong 1993 at 1994 Marlboro Tour (Le Tour de Filipinas ngayon).

Isa siya sa natata­nging limang siklista na nag­wa­gi ng back-to-back titles sa kahit anong Phi­lippine tour ka­sama sina Cornelio Pa­dilla Jr, Antonio Ar­za­la, Jose Su­malde at Ja­cinto Sikam

Pero sa cycling scene ay malaki aniya ang nagbago para kay Guieb na huling kumarera no­on pang 2003 ngunit na­bigong makasabay sa mga mas batang siklista.

“Noong sa amin no­on, mahahaba ‘yung mga laps noon eh, ina­abot ng mga 200 plus. Nga­yon maiksi na,” ani Guieb na pinanalo ang dalawang Marlboro Tour noon na tumahak ng lagpas sa 3,000 kilo­metro sa loob ng 20 sta­ges at 20 araw.

“Malaki ang pinag­ba­­go. Mga bike ngayon pu­ro hi-tech na, puro ma­gaganda na ang mga bike,” dagdag niya.

Bawat karera rin no­on ay bahagi ang ma­ta­rik na Baguio City na iti­nuturing pa ring pi­nakapaboritong stage ni Guieb dahil sa kanya, ang daan paakyat sa Summer Capital ang da­an sa tagumpay ng kada cycling champion.

“Baguio pa rin talaga ang pinakamagandang lap. Parang dati kapag ta­­pos na ang Baguio, ta­pos na Tour. Doon nagkakaalaman,” dagdag pa ni Guieb.

Pagdating ng panahon ay hiling niya na may isa na namang Guieb ang makatawid sa Kennon Road kaya’t hinahanda niya na ang 13-anyos na anak na si BJ.

Hindi pa tapos ang ka­rera ni Guieb.

Sa katunayan, nagsisimula pa lang ito bilang ama sa kanyang anak na hindi malayong ma­ging cycling champion.

Show comments