MANILA, Philippines — Kung wala nang magiging problema sa TV contract ay tuloy na ang bakbakan nina world three-division champion Donnie ‘Ahas’ Nietes at Aston Palicte para sa bakanteng World Boxing Organization super flyweight crown sa Agosto 18 sa Cebu City.
Ito ang magiging ikatlong all-Filipino world title bout matapos ang 93 taon kung saan unang magtutuos sa world super flyweight champion Jerwin Ancajas at Cebuano challenger Jomar Sultan sa Mayo 26 sa SaveMart Center sa campus ng Fresno State University sa California, USA.
Noong 1925 ay nagharap sina Filipino boxing legend Pancho Villa at Clever Sencio para sa world flyweight crown sa Manila.
Ibabandera naman ng 35-anyos na si Nietes, ang No. 1 contender, ang kanyang 41-1-4- win-loss-draw ring record kasama ang 23 knockouts, habang bitbit ng No. 2 contender at 28-anyos na si Palicte ang kanyang 24-2-0, 20 KOs marka.
“Donnie is the fight we’ve wanted ever since he was appointed as the number one contender,” sabi ni Guy Taylor, ang matchmaker para sa Roy Jones Jr. Promotions na humahawak kay Palicte.
Ang mananalo sa Nietes-Palicte fight ay kaagad maghahanda laban sa isang mandatory challenger na papangalanan ng WBO sa loob ng 90 araw.