MANILA, Philippines — Bagama’t nagsisilbing pansamantalang import lamang, nagpakitang-gilas si Shane Edwards para ipakitang maaari rin siyang maging regular na reinforcement matapos buhatin ang Barangay Ginebra sa 100-98 come-from-behind win kontra sa karibal na Talk N’ Text sa ginanap na tune-up game para sa nalalapit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup kahapon sa Upper Deck Gym.
Kumamada ng kabuuang 25 puntos si Edwards upang pamunuan ang atake ng Gin Kings kabilang na ang karima-rimarim na slam dunk sa mga huling segundo tungo sa comeback win ng koponan.
Nakakuha naman siya ng suporta mula kay Japeth Aguilar at Sol Mercado na nagbuslo ng pinagsamang 20 puntos sa huling kanto upang matulungan ang Barangay Ginebra na magwagi kahit pa wala pa rin ang pambatong sentro na si Greg Slaughter na kasaluku-yan pa ring umiinda ng ankle injury.
Pansamantala lamang na import ng Gin Kings si Edwards ngayong komperensya habang hindi pa natatapos ang resident import na si Justin Brownlee sa kampanya nito sa San Miguel-Alab Pilipinas sa Asean Basketball League.
Ngunit kahit itinuturing na temporary import lamang, nabanggit ni Coach Tim Cone na hindi nila isinasantabing gawin na itong regular na import depende sa kanyang ipapamalas sa naturang torneo na magsisimula sa Abril 22.
Inaasahang makakasama si Brownlee sa koponan sa Mayo pa pagkatapos ng ABL na sa kasalukuyan ay nasa semi-finals pa lang.
Pinapaboran pang umabot hanggang sa huling sayaw ang Alab dahil sa lamang ito ng 1-0 sa semis na serye nila kontra sa nagdedepensang Hong Kong.
Ngunit sa kasamaang palad, nadagdagan ang pilay na manlalaro ng Ginebra nang madale rin ng ankle injury si Prince Caperal matapos kumana na ng 12 puntos. Nagdagdag din ng 11 puntos ang kapitan ng Ginebra na si LA Tenorio.
Samantala, ito na ang ikalawang talo ng bagong bihis na KaTropa sa dalawang salang sa tune-up games buhat nang kumuha nang dagdag na puwesa sa katauhan ng star guard na si Terrence Romeo.
Bagama’t kumubra ng 17 puntos ang bagong KaTropa na si Romeo ay di pa rin ito sumapat para sa TNT na nakalasap din ng 97-106 na pagkatalo kontra sa Alaska noong Abril 11.
Magugunitang nito lamang nakaraan ay natampok si Romeo sa blockbuster trade matapos siyang itulak ng dating koponan na Globalport kasama si Yousef Taha patungo sa TNT kapalit si Mo Tautuaa at dalawang future picks.Kumamada naman ng 33 puntos ang import na si Jeremy Tyler habang may 13 at 12 puntos din, ayon sa pagkakasunod, sina Troy Rosario at Jayson Castro para sa TNT.
Kumamada naman ng 33 puntos ang import na si Jeremy Tyler habang may 13 at 12 puntos din, ayon sa pagkakasunod, sina Troy Rosario at Jayson Castro para sa TNT.