MANILA, Philippines — Inaasahan ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para siya mismo ang magbukas ng 61st edisyon ng Palarong Pambansa bukas (Linggo) sa Quirino Stadium sa Barangay Bantay Vigan, Ilocos Sur.
Naging tradisyon na ng Palaro ang pagdating ng Pangulo ng bansa upang pangunahan ang opening ceremonies na dadaluhan din ng mga mataas na opisyal ng Philippine sports at iba’t ibang local government units.
Sinabi ng isang matataas na opisyal sa Philippine Sports Commission na kumpirmado na ang pagdating ni Pangulong Duterte bilang main guest of honor sa prestihiyosong taunang paligsahan para sa mga student-athletes na may edad 17-anyos pababa.
Ayon kay Department of Education Undersecretary Tonisito M.C. Umali na mahigit 15,000 atleta mula sa 17 rehiyon mula sa buong bansa ang sasabak sa 18 regular sports at pitong demonstration sports sa loob ng mahigit isang linggo.
“This will be the first time that Vigan City is hosting the Palarong Pambansa so they are very excited to see the games,” sabi ni Umali.
Inaasahang magpapadala ng mahigit 700 atleta ang perennial champion National Capital Region para muling dominahin ang multi-event meet, ngunit tiyak din ang hamon mula sa Calabarzon, Western Visayas, Central Luzon, Eastern Visayas at Davao region.
Bukod sa medal-rich swimming at athletics, ang ibang regular sports ay ang archery, arnis, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, lawn tennis at volleyball.
Tiyak din ang exciting action mula sa demonstration sports na aerobic gymnastics, billiards, danceports, pencak silat, sepak takraw girls, wrestling at wushu.
Apat na sports events na ang swimming, bocce, goalball at ahletics ang isinasali sa special para games na kasabay ding idaraos sa Quirino sports complex.