Lambingan sa hongkong

Bago magsimula ang PBA Commissioner’s Cup sa April 22, lilipad ang PBA board at commissioner Willie Marcial patungong Hong Kong para sa isang bonding session.

Mungkahi ito ni Kume sa kanyang goal na tulu-yang pagalingin ang sugat dulot ng malalim na hidwaan ng mga PBA governors ukol sa isyu sa commissionership ni dating commissioner Chito Narvasa.

Matatandaang naunsyami ang kanilang dapat sana ay annual planning session sa Los Angeles, California bago ang simula ng 2017-18 PBA season.

Marami ang hindi sumipot at napilitan silang ikansela ang kumperensya.

Masalimuot na mga pangyayari ang sumunod bago nagkaroon ng consensus. Nag-resign si Narvasa at napunta kay Ricky Vargas ng TNT KaTropa ang chairmanship ilang oras bago ang simula ng season.

Pero siguradong meron pang samaan ng loob sa board. Mapapansin na hindi pa rin makikita ang dating biruan, tawanan at hagikgikan ng mga governors. Actually, hindi pa rin sila makikitang nagsasama-sama na gaya ng dati.

Ang bagay na ito ang gusto ni Kume na hilutin.

Pero iyon naman talaga ang isa sa kanyang mandato nang siya ay hiranging kapalit ni Narvasa. Tinitignan ng board na trumabaho rin si Marcial bilang “healing commissioner.”

Inaasahan ang complete attendance sa pagkakataong ito.

Sasamantalahin naman ni SBP president Al Panlilio ang pagkakataon para kuhain ang pulso ng bawat isa sa lineup na gagamitin ng Team Phl sa FIBA 3x3 World Cup na nakatakda sa Philippine Arena, June 8-12. Nakaupo rin si Panlilio sa PBA board bilang representante ng Meralco Bolts.

Diniin ni Kume na full support din ang PBA sa event na ito kaya’t hinihintay din niya ang Phl lineup bago niya i-finalize ang complete schedule ng PBA Commissioner’s Cup.

“Hindi namin iiskedyul na lumaro ang mga teams na may player sa Phl team sa 3-on-3,” ani Marcial.

Show comments