Batang Gilas bigating mga koponan ang haharapin sa 2018 FIBA World U-17
MANILA, Philippines — Mabibigat ang mga magiging katunggali ng Batang Gilas matapos ang masaklap na official draw kahapon ng 2018 FIBA World Under-17 Championship sa Hunyo sa Argentina.
Tatlo sa Top 10 na bansa sa world boys basketball rankings sa katauhan ng host Argentina (7), Croatia (8) at France (9) ang makakasagupa ng No. 31 Batang Gilas sa Group D.
Magugunitang naka-selyo ng puwesto ang koponan sa World Cup matapos pumang-apat sa likod ng Australia, China at New Zealand, ayon sa pagkakasunod, sa katatapos na FIBA Asia Under-16 Championship sa China.
Ang kampeon sa Asya at World No. 10 Australia ay nasa Group A kasama ang Puerto Rico (18), Dominican Republic (25) at Turkey (4).
Natapat naman sa malakas ding Group B ang China (12) kasama ang No. 1 USA, Serbia (6) at Mali (30) at ang Group C ay bubuuin ng New Zealand (33), Egypt (16), Canada (3) at Montenegro (34).
Lalabanan ng 16 koponan ang kanilang mga kagrupo sa single round robin upang malaman ang kanilang mga puwesto papasok sa Round of 16 knockout phase kung saan magsasanib ang Group A at B at ang Group C at D.
Nakatakda ang torneo sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 8 sa Rosario at Sta. Fe, Argentina.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakapasok ang Batang Gilas sa World Cup buhat noong 2014 sa United Arab Emirates kung saan nagtapos ang koponan sa ika-15 puwesto.
Muling pangungunahan ni 7-foot-1 Filipino teen tower sensation Kai Sotto ang koponan kasama sina Raven Cortez, Terrence Fortea, RC Calimag af Forthsky Padrigao. (ADimasalang)
- Latest