MANILA, Philippines — Umiskor ng 56 puntos ang Cuban import na si Gyselle Silva ng Smart Prepaid Giga Hitters upang itala ang panibagong scoring record ng 2018 Chooks to Go Philippine Superliga Grand Prix noong Sabado ng gabi sa Batangas City Sports Complex.
Umani ang 6’3 open hitter na si Silva ng 53 atake at tatlong aces para burahin ang dating 41 puntos na naitala ng Serbian import na si Sara Klisura nang siya ay naglalaro pa para sa Foton Tornadoes sa parehong liga noong nakaraang taon.
Bukod pa sa bagong PSL scoring record, ang 56 puntos ng dating miyembro ng Cuban national team ay kulang lang ng dalawang puntos sa world record na 58 puntos ni Polina Rahimova ng Azerbaijan noong 2015 nang ito ay naglalaro pa sa Japan.
Ang ikalawang record ay mula kay Madison Kingdom ng US sa kanyang 57 puntos na naitala sa Korean Volleyball League noong 2017 at parehong 57 puntos din kay Elitsa Vasileva ng Bulgaria sa KVL League noong 2013.
Ngunit ang hataw ng 26-anyos na si Silva ay hindi pa sapat upang makaganti ang Smart sa Cocolife matapos masungkit ng Asset Managers ang 25-23, 25-21, 27-29, 19-25, 16-14 panalo laban sa Giga Hitters.
Umani si Klisura ng 35 puntos para sa pang-anim na panalo ng Cocolife sa siyam na laro habang ang Smart ay nanatiling wala pang panalo sa siyam na laban.