MANILA, Philippines — Mas pinatatag ng defending women’s champion De La Salle University ang kanilang pangingibabaw para sa hangad na twice-to -beat incentive sa Final Four round matapos gapiin ang University of Santo Tomas sa isang dikdikang straight sets, 25-23, 25-23, 25-22 kahapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Ang panalo ay ika-6 na sunod para sa Lady Spikers na nag-angat sa kanila sa 10-2 marka, isang panalo na lamang ang kailangan upang ganap na maiselyo ang top spot at twice-to-beat incentive patungo sa Final Four round.
Nagtala si Kim Dy ng 8 attack points at apat na blocks upang pamunuan ang panalo na sinelyuhan ng backline hit ni May Luna.
Namuno naman para sa Tigresses si Sisi Rondina na nagtapos na may game high na 23 puntos na kinabibilangan ng 21 hits at tig-isang block at ace.
Sa unang laro sa women’s division, nakabangon na rin ang National University mula sa matagal na pagkaidlip sa second round matapos talunin ang University of the East ,26-24, 26-24, 25-20.
Umahon ang Lady Bulldogs sa five-game losing skid at pinalakas ang pag-asa na makamit ang huling Final Four spot sa pag-angat nila sa 7-6 panalo-talo habang nalaglag naman ang Lady Warriors sa 2-10.
Kailangang ipanalo ng NU ang huling laro kontra sa Far Eastern University sa Linggo o kaya’y umasang matalo ang nalalabing karibal na Adamson sa isa sa huling dalawang laro nito upang pormal na makopo ang pang-apat na puwesto.
Samantala sa men’s division, umangat ang Bulldogs sa 11-2 matapos talunin ang winless pa ring University of the East, 25-16, 25-23, 25-13 habang sumulong ang Tamaraws sa 10-2 upang makasalo ng Blue Eagles sa second spot matapos padapain ang Adamson Falcons, 25-23, 25-21, 21-25, 25-20. FML