Kumpleto na ang cast ng mga imports
MANILA, Philippines — Ang Globalport at Alaska ang huling dalawang koponang nakakuha ng reinforcements para sa pagdribol ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Abril 22.
Muling hinugot ng Batang Pier si Malcolm White, samantalang ibabandera ng Aces si Antonio Campbell sa torneong pinagharian ng San Miguel Beermen laban sa TNT Katropang Texters noong nakaraang taon.
Kumpiyansa ang Alaska na makakatulong ang 6-foot-10 na si Campblell, isang undrafted player noong 2017 NBA Rookie Draft at produkto ng Ohio University sa kanilang kampanya sa second conference na may height limit na 6’10 para sa mga imports.
Maliban kay White, ang iba pang nagbabalik sa torneo ay sina Vernon Macklin (Magnolia), James White (Phoenix), Jarrid Famous (Blackwater), Shane Edwards (Barangay Ginebra) at Arinze Onuaku (Meralco).
Dating sinandalan ng Gin Kings si Macklin at nag-laro naman sina White, Famous, Edwards at Onuaku para sa Mahindra, Globalport, Alaska at Meralco, ayon sa pagkakasunod.
Makakasabayan naman ni Campbell bilang mga bagong imports sa PBA sina Troy Gillinwater (San Miguel), Jeremy Tyler (TNT Katropa), CJ Aiken (Columbian Dyip, dating Kia), Reggie Johnson (Rain or Shine) at Arnett Moultrie (NLEX).
Kasalukuyang naglalaro si 2017 PBA Best Import Charles Rhodes sa Korean Basketball League kaya hinugot ng Beermen ang 6’10 na si Gillenwater, miyembro ng Mighty Sports-Philippine team na nagkampeon sa Jones Cup noong nakaraang taon.
Naging player naman ang 6’10 na si Tyler ng Golden State Warriors noong 2012 hanggang 2013 at inaasahang makakatulong sa Tropang Texters.
Hinugot si Moultrie bilang No. 27 overall pick ng Philadelphia 76ers noong 2012 NBA Draft at naging miyembro ng US national team na sumikwat sa gold medal noong 2009 U-19 World Championship sa New Zealand.
Si Johnson naman ang nanguna para sa Westports Malaysia Dragons sa paghahari sa Asean Basketball League noong 2016 at naglaro kamakailan para sa Mono Vampire ngayong season.
- Latest