3-0 lead asam ng San Miguel
MANILA, Philippines — Nagposte ang Barangay Ginebra ng 15-point lead sa second period ngunit nakabangon ang nagdedepensang San Miguel sa second half para kunin ang overtime win sa Game Two noong Linggo.
Inaasahan ni Beermen mentor Leo Austria na guguhit ng estratehiya si two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone para makasingit ng panalo ang Gin Kings sa kanilang semifinals series sa 2018 PBA Philippine Cup.
“Malamang na may mas malaking pambulaga sila sa Game Three at kailangan namin paghandaan ‘yan,” sabi ni Austria na hindi tinukoy kung pag-lalaruin ni Cone si seven-foot center Greg Slaughter sa mahalagang Game Three ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Tinalo ng San Miguel ang Ginebra sa Game One, 102-90 at itinakas ang 104-102 overtime victory para ilista ang 2-0 kalamangan sa kanilang best-of-seven semifinals showdown.
“Ang laki ng kaibahan ng 1-1 at 2-0. Big morale boost sa amin ‘yon,” wika ni Austria, nakahugot kay four-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 33 points at 19 rebounds, habang ang tip in ni Marcio Lassiter sa huling 3.2 segundo ng extra period para sa overtime win ng three-time PBA Philippine Cup champions.
Sa naturang kabiguan ng Gin Kings ay kumamada si flying forward Japeth Aguilar ng 28 points at 26 naman kay Prince Capera.
- Latest