Cignal HD B kumubra ng panalo

MANILA, Philippines -  Kinubra ng Cignal HD B ang kanilang unang panalo sa 2017 Belo Philippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup matapos talunin ang F2 Logistics B, 21-10, 24-26, 15-10 kahapon sa SM By The Bay sa SM Mall of Asia, Pasay.

Matapos bumigay sa napakahabang second set, nagawang kumalas nina Janine Marciano at Mylene Paat sa huling set nang magposte ng 11-5 na kalamangan kontra sa tambalan nina dating PSL Ambassadress Cha Cruz at Aby Maraño upang tumuloy sa kanilang unang panalo ng torneo.

“Nung third set, nag-usap na talaga kami. Iniisip namin na simula ulit kami kaya sinubukan talaga namin na i-lessen ang mga errors namin,” pahayag ng dating San Beda Red Spiker na si Marciano. “Natuto na kami sa yesterday’s game na pagkatalo namin (kontra sa Generika).”

May 1-1 na kartada ngayon ang Cignal HD na bahagi ng Pool C, na kinakailangang matalong muli ang F2 Logistics B sa kanilang laro laban sa Generika-Ayala A na kinakatawan nina Patty Jane Orendain at Fiola Ceballos na nangyayari habang isinusulat ang balitang ito para makapasok sa quarterfinals na gaganapin ngayon.

Sa iba pang laro, pormal na umusad sa quarterfinals ang pares nina Cherry Rondina at Bernadeth Pons ng Petron Sprint 4T matapos giyangin sina Aby Nuval at Wensh Tiu ng Cocolife, 21-8, 21-13 upang umupo sa itaas ng Pool B.

Ito ang pangalawang sunod na panalo nina Rondina at Pons sa kumpetisyon na makakalaban ang nasa pa-ngalawang puwesto sa Pool C depende rin sa magiging resulta ng laro ng Generika-Ayala A at F2 Logistics B.

Sa men’s division, pasok na sa semifinals ang Cignal HD matapos igupo ang Wayuk 21-9, 21-10 at ang Generika-Ayala na pinayuko ang Perpetual Help B 21-13, 21-8. Makakasama rin nila sa semifinals ang SM By The Bay na tinalo ang Perpetual Help A, 21-20, 21-14 at ang Perpetual Help A na nanaig kontra sa TVM sa kanilang naunang laro kahapon, 21-16, 21-11.

Magkakaroon din ng celebrity exhibition match mamaya tampok ang mga koponan na pamumunuan nina Denden Lazaro at Rachel Ann Daquis sa ganap na alas-6:00 ng gabi. - FMLumba

 

 

Show comments