3-diretso puntirya ng Meralco
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Meralco ang solong liderato habang isasalang naman ng TNT Katropa ang isang 10-year NBA veteran power forward na import.
Magtutuos ang Bolts at ang Tropang Texters ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng kapwa minamalas na NLEX Road Warriors at Mahindra Floodbuster sa alas-4:15 ng hapon sa 2017 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Target ng Meralco ang kanilang ikatlong sunod na panalo para masolo ang pangunguna sa mid-season conference na pinagharian ng Rain or Shine noong nakaraang taon.
Ipaparada naman ng TNT Katropa si Louis Amundson bilang kapalit ni 2012 PBA Best Import Denzel Bowles, pinauwi matapos ang isa’t kalahating linggong pakikipag-ensayo sa koponan.
Ang 6-foot-9 at 34-anyos na si Amundson ay naglaro sa NBA simula noong 2006 hanggang 2016.
Una siyang kumampanya para sa Utah Jazz kasunod ang paglipat sa Philadelphia 76ers, Phoenix Suns, Golden State Warriors, India-na Pacers, Minnesota Timberwolves, Chicago Bulls, New Orleans Pe-licans, Cleveland Cavaliers at sa New York Knicks.
Nagtala si Amundson ng mga NBA career averages na 3.7 points at 3.6 rebounds at sa kanyang paglalaro sa Knicks ay naglista siya ng mga averages na 6.0 points, 6 rebounds, 1.6 assists at 1.3 blocks sa 41 laro noong 2014-15 season.
“Our defense has got to be strong and we have to sustain a good team effort,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black sa kanyang Meralco.
Itatapat ng Bolts kay Amundson si Alex Stephenson na naglista ng 21 rebounds at 11 points sa kanilang 94-86 paggiba sa Floodbuster at humakot ng 20 boards at 18 markers sa 91-84 panalo sa Road Warriors.
Sa unang laro, mag-uunahan ang NLEX at ang Mahindra sa paglilista ng una nilang panalo matapos makalasap ng dalawang sunod na kamalasan. - RCadayona
- Latest