Handang makipag-usap at makipagtulungan ang Gilas Pilipinas sa Blackwater hinggil sa sidelining ni Elite forward Art dela Cruz dahil sa injury na natamo sa katatapos na Gilas training camp sa Splendido Taal Country Club.
Ang tanong ni Blackwater owner Dioceldo Sy ay paano ngayon ang kanyang koponan at sino ang magpapasuweldo kay Dela Cruz sa panahon ng pagpapagaling niya ng kanyang injury.
Ang bagay na ito ay hindi nakasaad sa PBA-SBP memorandum of agreement.
“Wala nga iyon sa MOA. But we’re in touch with the PBA. Pag-uusapan namin yan,” ani Gilas team manager Butch Antonio.
Magandang maplantsa agad ang isyu na ito para naman maging mas komportable ang PBA ball clubs sa pagpapahiram ng kanilang mga manlalaro sa national team.
Kasabay ng training camp ng Gilas sa Splendido, magkakasama ang PBA board of governors sa kanilang Hong Kong trip.
Malamang na na-discuss nila ang mas konkretong proseso ng pagre-release ng players sa Gilas Pilipinas. Masalimoot ang isyu dahil natapat ang SEABA Championship sa kasagsagan ng papasimulang PBA Commissioner’s Cup.
Nais ng ilang miyembro ng board na inombra ng maaga ni coach Chot Reyes ang Final 15 upang maka-concentrate na sa kanilang mother teams ang maka-cut mula sa 25-man training pool.
Sa orihinal na usapan, ire-release ng PBA mother teams ang Gilas cadet players dalawang buwan bago ang isang international tournament na lalahukan ng national team. Ang mga karagdagang Gilas pool members naman ay lalahok sa training isang buwan bago ang torneyo.
May mga bagong proposals dahil ‘di nila inaasahan ang problema sa schedule.
Para kay PBA commissioner Chito Narvasa, ang mas importante ay ang espiritu ng agreement. “Both sides (Gilas at PBA) are willing to help one another,” ani Narvasa.