MANILA, Philippines - Nagtulungan ang magkapatid na sina Rey Taneo Jr. at Relan para sa 18-21, 21-15, 17-15 panalo ng Perpetual Help Altas kontra sa Emilio Aguinaldo College para makisosyo sa liderato ng men’s division ng 92nd NCAA beach volleyball tournament sa Beach Sands ng Subic Park Hotel.
“We’re just determined to win here,” sabi ni Relan na kasama sa Altas na nabigo sa nakalipas na Finals ng indoor men’s volleyball tournament laban sa St. Benilde Blazers sa pangunguna ni Johnvic de Guzman.
Gumanti rin ang Perpetual Help nina Relan at Rey Taneo sa kanilang pagkatalo sa indoor volleyball sa pamamagitan ng madaling 21-17, 21-18 panalo laban sa St. Benilde Blazers na pinangunahan din ni De Guzman at Owen Bacani.
Ang Lyceum Pirates naman nina Jhonel Badua at Meko Franz Binas ay nagwagi laban sa Emilio Aguinaldo Generals nina Joshua Mina at Paolo Cezar Lim, 21-14, 21-14 para manatiling malinis ang kanilang win-loss record sa standing.
Sa women’s division, nanalo ang Perpetual Lady Altas nina Marjito Medalla at Maria Aurora Tripoli laban sa Letran Lady Knights nina Kathleen Barrinuevo at Honey Kris Laserna, 21-14, 21-10.
Ilang oras ang nakalipas, tinalo rin nina Medalla at Tripoli ang Arellano Lady Chiefs nina Regine Anne Arocha at Jovielyn Grace Prado, 21-14, 21-16 para manatili ring walang talo sa women’s side.
Sina Maria Jeziela and Maria Nieza Viray ng San Beda ay nanalo rin laban sa St. Benilde Lady Blazers nina Ma. Angela Enginco at Ma. Kaila Selena Mendoza, 21-11, 25-23.
Ang Red Lionesses ay nanatili ring walang talo matapos padapain sina Shaira Mahe Hermano at Kimberly Joy Luzon ng Mapua, 21-6, 21-15 para tumuntong din sa liderato kasama ang Perpetual Help Lady Altas at defending champion San Sebastian Lady Stags.
Nasungkit din ng Lady Stags nina Grethcel Soltones at Alyssa Eroa ang ikatlong panalo bunga ng kanilang 21-13, 21-15 panalo kontra sa Letran nina Kathleen Barrinuevo at Honey Kris Laserna.