MANILA, Philippines - Sumandal ang Far Eastern University-Di-liman kay Jack Gloria upang igupo ang Ateneo, 74-72 para makopo ang huling championship berth sa UAAP Season 79 juniors basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Umiskor si Gloria ng anim sa kanyang 14 points sa payoff period at humatak ng 11 rebounds sa double-double effort para sa Baby Tamaraws.
Makakaharap ng FEU-Diliman ang defending champion National University sa best-of-three title series na magsisimula sa Martes sa parehong San Juan venue.
Ito ang unang championship stint ng Baby Tamaraws sapul nang makopo nila ang titulo noong 2012 sa ilalim ni coach Mike Oliver matapos talunin ang Bullpups.
“Ang galing ng mga players ko. Hindi sila bumigay,” sabi ni FEU-Diliman coach Allan Albano.
Nanguna si Louell Gonzales sa FEU-Diliman sa kanyang 22 points habang si Kenji Roman ay mayroong 14 points.
Umiskor si Jason Credo ng 16 points habang ang bagitong 6-foot-11 na si Kai Sotto ay may career-high na 16 points, kabilang ang 12 sa second half para sa Eaglets, tumapos ng season bilang third place.