Soltones babawi sa NCAA beach volley
MANILA, Philippines - Kahit bigo sa indoor women’s volleyball, nanatiling matatag si Grethcel Soltones ng San Sebastian College para masungkit ang ika-apat sunod na titulo sa 92nd NCAA beach volleyball tournament na mag-uumpisa sa Miyerkules na gaganapin sa Lighthouse, Marina ng Subic Bay.
Kasama ng NCAA volleyball three-straight MVP na si Soltones si Alyssa Eroa, isa sa pinakamahusay na libero sa bansa ngayon at si Daureen Santos bilang reserve player.
Inaasahan din ang magandang ha-mon mula sa San Beda College Red Lioness sa pangunguna ng twin sisters na sina Maria Jesiela at Maria Nieza Viray. Kung natatandaan, tinalo nina Soltones at Eroa ang Viray twins sa Finals noong nakaraan na taon, 21-14, 21-9, 15-6 upang angkinin ang ikatlong sunod na korona.
Ang Lady Stags ang may pinakamaraming titulo sa NCAA beach volleyball tournament sa kanilang anim overall.
“Grethcel (Soltones) and Alyssa (Eroa) will play for San Sebastian,” sabi ni head coach Roger Gorayeb.
Si Gorayeb ay marami na ring nakuhang titulo sa indoor at beach volleyball competitions.
Asam ni Gorayeb at Soltones na bumawi na lang sa beach volleyball pagkaraang matalo sa Arellano University Lady Chiefs sa Finals ng women’s volleyball, 0-3 kamakailan lamang.
“We’ll go for it. Dito na talaga ako babawi,” sabi ng graduating student na si Soltones na hindi nakakuha ng titulo sa NCAA women’s volleyball sa loob ng limang taon.
Bukod sa San Sebastian College at San Beda College, ang iba pang koponan na nagbabanta ring dominahin ang liga ay ang Arellano University, College of St. Benilde, University of Perpetual Help, Lyceum of the Philippines, Colegio de San Juan de Letran, Jose Rizal University, Mapua Institute of Technology at Emilio Aguinaldo College.
Ang beach volleyball competition ay mag-uumpisa sa Feb. 22 at tatakbo hanggang sa Feb. 26.
- Latest