MANILA, Philippines - Pinangalanan na ang Mythical Five ng Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Enero 26 sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City.
Binubuo ang Mighty Sports Collegiate Mythical Five nina Ben Mbala at Jeron Teng ng La Salle, dating Arellano University pointguard Jiovanni Jalalon, NCAA Season 92 MVP na si Allwell Oraeme ng Mapua at Javee Mocon ng San Beda College.
Ang limang manla-larong napili ng UAAP-NCAA Press Corps para sa nasabing parangal dahil sa kanilang ipinamalas na husay sa paglalaro sa katatapos na season ng kanilang mga liga.
Dahil napili ang lima bilang miyembro ng Collegiate Mythical Five, lahat sila ay maaari ring manalo ng Smart Player of the Year award.
Ang 6-foot-seven Cameroonian bigman na si Mbala ang unang foreign player na mananalo bilang MVP sa UAAP mula pa noong 1981 habang ang kakampi niyang si Teng ang pinarangalang Finals MVP sa kanilang paggapi sa karibal na Ateneo sa Finals para makuha ang titulo ng Season 79.
Si Jalalon na kasalukuyan nang naglalaro sa PBA ay naging miyembro rin ng Mythical Five sa nakalipas na NCAA Season 92, samantalang nakuha naman ng Came-roonian na si Oraeme ang back-to-back MVP.
Si Mocon ay isa sa mga beteranong namuno sa San Beda Red Lions patungo sa kanilang kampeonato sa Season 92 kung saan pinayuko nila ang Arellano Chiefs na pinangunahan ni Jalalon.
Para naman sa ibang parangal, ibibigay kina da-ting San Beda head coach Jamike Jarin at La Salle head coach Aldin Ayo ang Coach of the Year award dahil sa matagumpay nilang kampanya sa UAAP at NCAA. (FML)