MANILA, Philippines – Sa nakaraang laban nina Manny Pacquiao at Jessie Vargas ay napatunayan ni Bob Arum sa sarili niya na kaya ng kanyang Top Rank Promotions na mag-promote ng malalaking boxing fights na wala ang network giant na HBO.
Humakot ang naturang bakbakan nina Pacquiao at Vargas noong Nobyembre 6 ng 300,000 pay-per-view buys na maikukumpara sa ikatlong pagtutuos nina ‘Pacman’ at Timothy Bradley, Jr. noong Abril 7 na hinawakan ng HBO.
“Why would we need HBO Pay-Per-View going forward?” pagtatanong ng 84-anyos na si Arum sa panayam ng USA Today. “What do they add that we weren’t able to do ourselves. I think the fact there was no delay helped the numbers.”
Tinalo ni Pacquiao si Vargas via unanimous decision para agawin sa Mexican ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaang tinanggihan ng HBO na hawakan ang laban ng 37-anyos na si Pacquiao at ng 27-anyos na si Vargas at mas pinahalagahan ang pagdedepensa ni Sergey Kovalev ng kanyang korona laban kay Andre Ward sa Linggo.
“We presented a great show,” sabi ni Arum. “We made money. Everybody made money. You don’t hit a home run every time. We hit a single or a double. I’m very pleased.”
Naging impresibo ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa kanyang comeback fight kontra kay Vargas (27-1-0, 10 KOs) na kanyang pinabagsak sa second round.
Pinag-usapan din ang naturang laban dahil sa panonood ng retirado nang si American world five-division champion Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) sa ringside.
Ito ang bumuhay sa posibleng rematch nina Pacquiao at Mayweather sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Arum na wala pa siyang nakakausap sa kampo ng 40-anyos na si Mayweather, tinalo si Pacquiao via unanimous decision noong Mayo ng 2015 bago nagretiro noong Setyembre matapos ta-lunin si Andre Berto.
Bukod kay Mayweather, tinitingnan din ni Arum si unified light welterweight titlist Terence Crawford (29-0-0, 20 KOs) na posibleng labanan ni Pacquiao.