MANILA, Philippines – Pinutol ng Adamson University ang naitalang 7-game winning run ng defending champion Far Eastern University na kanilang sinilat sa pamamagitan ng 61-59 panalo sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa San Juan Arena kahapon.
Nakapuwersa ng traveling violation kay Tamaraws guard Monbert Arong sina Falcons rookie Jonathan Espeleta at Sean Manganti sa huling 3.8 na segundo ng laban para selyuhan ang panalo ng kanilang koponan at pataasin ang kanilang tsansa na makasama sa Final Four ngayong season.
Ang traveling violation kay Arong ang ika-27 turnover ng FEU, na nagresulta sa 21 puntos para sa Adamson na nagsilbi ring susi sa kanilang pangalawang sunod na panalo.
“We needed this win,” ayon kay Adamson head coach Franz Pumaren. “At this stage we’re really looking to make it to the playoffs. Like what I’ve been stressing, we want to control our destiny. Our destiny is in our hands we just have to play a good ‘last three games’.”
Sa sumunod na laro, tinalo ng University of the Philippines ang University of Sto. Tomas para sa kanilang ikalawang sunod na panalo, 74-69.
Nagtala ng double-double na 16 puntos at 13 rebound kasama ang 7 assists si wingman Paul Desiderio habang nag-ambag naman ng career-high na 9 puntos si rookie Noah Webb para pamunuan ang UP na tumabla sa NU sa rekord na 5-8 at buhayin ang kanilang tsansa para sa isang playoff game upang makaabante sa Final Four.
Ang 5-8 panalo-talong kartada ang siyang pinakamaganda ng Maroons mula noong Season 67.
Umiskor naman ng 16 puntos ang team captain na si Louie Vigil para sa UST (3-9) na wala nang pag-asang makapasok sa Final Four. FML