Phoenix, Arizona - Pumanaw kahapon ang world heavyweight great na si Muhammad Ali sa edad na 74-anyos dahil sa komplikasyon sa Parkinson’s disease na resulta ng ilang libong suntok sa kanyang ulo at katawan.
Ipinanganak bilang Cassius Marcellus Clay Jr. noong Jan. 17, 1942 sa Louisville, Kentucky, nagsimula si Ali sa boxing sa edad na 12-anyos makaraang nakawin ang kanyang bisikleta at na-ngako kay policeman Joe Martin na bubugbugin niya ang gumawa nito sa kanya.
May bigat lamang si Ali na 89 pounds ngunit si-nimulan siyang sanayin ni Martin sa kanyang boxing gym patungo sa kanyang six-year amateur career na tinampukan ng gold medal sa light heavyweight division ng Olympic Games sa Rome noong 1960.
Sa edad na 22-anyos ay gumawa ng kasaysayan si Ali matapos pabagsakin ang dating kampeong si Sonny Liston sa round seven para angkinin ang world heavyweight crown noong 1964 sa Miami Convention Center.
Nalasap ni Ali ang kauna-unahan niyang kabiguan nang matalo kay Joe Frazier kasunod ang kanyang pagresbak sa “Thrilla in Manila” noong Oct. 1, 1975 sa Araneta Coliseum.
Nakuha ni Ali ang panalo nang hindi na umalis sa kanyang puwesto si Frazier sa pang-15 round.
Bukod sa kanyang laban kay Frazier ay naging makasaysayan din ang pagsagupa ni Ali kay George Foreman sa ‘Rumble in the Jungle’ sa Kinshasa, Zaire noong 1974.
“Muhammad Ali was one of the greatest human beings I have ever met. No doubt he was one of the best people to have lived in this day and age,” wika ni Foreman.
Si Don King ang nag-promote ng naturang laban nina Ali at Foreman.
“It’s a sad day for life, man. I loved Muhammad Ali, he was my friend. Ali will never die. Like Martin Luther King his spirit will live on, he stood for the world.’’ wika ni King.
Ang nagpasikat ng “float like a butterfly, sting like a bee” ay tumapos na may 56-5-0 win-loss-draw ring record kasama ang 37 knockouts.
Si Ali, nakamit ang pinakamataas na US civilian honor na Presidential Medal of Freedom noong 2005, ang unang boxer na tatlong beses nanalo ng heavyweight titles.
Nang tanungin siya kung paano niya gustong maalala ng mga boxing fans, sinabi niyang “As a man who never sold out his people. But if that’s too much, then just a good boxer. I won’t even mind if you don’t mention how pretty I was.”