Magandang simula para sa Cafe France

MANILA, Philippines – Pinasadsad ng CafeFrance ang Mindanao Aguilas sa pamamagitan ng 89-65 panalo para sa kanilang magandang simula sa 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup na nagpatuloy sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagpasiklab si Rod Ebondo  sa paghakot ng 16 puntos tampok ang 12 sa ikalawang quarter para pamunuan ang Bakers bukod pa sa kanyang 17 rebounds, dalawang assists at dalawang blocks.

Gayunpaman, hindi pa rin kuntento si Cafe France coach Egay Macaraya sa inilaro ng kanyang bataan na nagtala ng 13 turnovers sa unang yugto.

“Isipin mo sa first quarter pa lang, we had 13 turnovers na. Sa tingin ko, it’s more on gustong maging agresibo ng lahat pero naging out of control. Hopefully, maka-adjust kami since first game pa lang naman,” aniya.

Nagdagdag si Joseph Manlangit ng 13 puntos at anim na rebounds habang may isinumiteng 11 si Mar Villahermosa para sa Cafe France na bumira ng kabuuang 46 boards kumpara sa 24 lamang ng Aguilas.

Sa ikalawang laro, sumosyo sa maagang pamumuno ang Phoenix-Far Eastern University makaraang palubugin ang Wangs Basketbal, 107-70.

Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa parehong venue kung saan sasalang ang  AMA University sa kanilang debut game laban sa malakas na Caida Tile Masters sa alas-2:00 ng hapon habang haharap naman ang Tanduay Light sa UP QRS/JAM Liner sa alas-4:00.

Show comments