EAC, Perpetual spikers asam ang finals
MANILA, Philippines – Hangad ng reigning titlist Emilio Aguinaldo College at Perpetual Help na maitakda ang kanilang title showdown sa pagharap sa San Beda at St. Benilde, ayon sa pagkakasunod ngayon sa Final Four ng men’s division ng 91st NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng Generals ngayong alas-12:00 ng tanghali ang Lions, umangkin ng ikaapat at huling Final Four berth sa pamamagitan ng 25-22, 25-20, 22-25, 25-22 panalo kontra sa Arellano U Chiefs noong Martes habang haharapin ng Altas ang Blazers sa alas-2 kung saan ang kanilang tagumpay ay magsasaayos ng kanilang best-of-three title showdown.
Nakopo ng EAC ang No. 1 slot matapos manalo sa Perpetual Help, 21-25, 25-20, 25-17, 25-19 na bumagsak sa No. 2 at St. Benilde na siya namang No. 3 seed.
Ang Generals ay inaasahang muling sasandal kina reigning MVP Howard Mojica na gumawa ng 30 hits laban sa Perpetual Help sa kanilang huling pagkikita.
“He’s our source of strength,” sabi ni EAC coach Rodrigo Palmero.
Sa women’s action, maghaharap naman ang defending champion Arellano U at St. Benilde sa knockout duel para sa karapatang harapin ang San Sebastian sa finals.
Iginupo ng Lady Blazers ang Lady Altas, 16-25, 25-19, 25-11, 25-21 sa unang laro ng stepladder semis nitong Martes.
Nakopo naman ng San Sebastian ang outright finals seat matapos ma-sweep ang elimination round sa siyam na panalo na nagbigay din sa kanila ng thrice-to-beat advantage na katumbas ng 1-0 lead sa best-of-five series.
Sa juniors’ play, haharapin naman ng Perpetual Help at EAC ang San Sebastian at Arellano U kung saan parehong isang panalo lamang ang kanilang kailangan upang iselyo ang best-of-three championship.
- Latest