Perpetual Altas puntirya ang ‘twice-to-beat’ bonus sa Final 4
MANILA, Philippines – Tatargetin ng Perpetual Help ang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagharap sa Letran sa huling elimination round playdate ng 91st NCAA men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nanggaling sa 20-25, 22-25, 17-25 kabiguan sa reigning champion Emilio Aguinaldo College Generals sa kanilang huling laro, titiyakin ng Altas na masasambot ang inaasam na Final Four incentive sa pagsagupa sa Knights ngayong alas-2 ng hapon.
Sakaling manalo ay magkakaroon ng pagkakataon ang Las Piñas-based school na makaganti sa EAC sa isang playoff para sa No. 1 seat sa Final Four.
Magtatabla ang Altas at ang Generals sa 8-1 record.
“We just want the twice-to-beat incentive and hopefully get that chance of getting back at them (EAC),” sabi ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
Nabigo rin ang nagdedepensang Junior Altas na mawalis ang elims nang maisuko ang 27-25, 21-25, 21-25, 25-21, 7-15 kabiguan sa Brigadiers.
Kung tatalunin ng Perpetual Help ang Letran ay makukuha nila ang insentibo at ang playoff sa EAC (6-1) para sa top seeding.
- Latest