SAN ANTONIO – Natikman ng San Antonio Spurs ang matinding hamon na kanilang inaasahan ngayong season sa tahanan nila.
At muntik na nila itong hindi malampasan.
Kumamada si Kawhi Leonard ng 19 points at 12 rebounds at napigilan ng Spurs si Kristaps Porzingis at ang New York Knicks para sa 100-99 panalo.
Naipanalo ng San Antonio ang kanilang franchise-record na ika-22 sunod na home game at napantayan ang kanilang franchise best start matapos ang 38 games sa bitbit na 32-6 baraha.
Makaraang ipanalo ang huli nilang tatlong home games sa 25-point average, nakatakas ang Spurs sa Knicks nang tumalbog ang tres ni Jose Calderon sa pagtunog ng final buzzer.
“I was kind of enjoying (the blowouts),” sabi ni San Antonio guard Manu Ginobili. “It’s not bad to win games like that. Nothing is easy in the NBA, but we knew in facing the Knicks that they were playing great, feeling good about themselves. We had to play much better to get this win. And I think we did.”
Nag-ambag sina LaMarcus Aldridge, Tony Parker at Ginobili ng tig-16 points para sa pang-pitong sunod na ratsada ng San Antonio.
Humakot naman si Porzingis ng 28 points at 11 rebounds subalit nasa bench nang maglunsad ang Knicks ng 14-4 atake para makadikit sa 94-96 sa huling 1:27 minuto ng fourth period.
Nagdagdag naman si Carmelo Anthony ng 20 points at 12 rebounds para sa New York, napigilan ang three-game winning streak.
Sa Portland, umiskor si Klay Thompson ng 36 points at iginiya ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 128-108 paggiba sa Portland Trail Blazers.
Tumipa si Thompson ng pitong tres para sa pang-limang sunod na panalo ng Warriors.
Nagdagdag si reigning league MVP Stephen Curry ng 26 points at 9 assists sa loob ng tatlong quarters para sa Warriors (34-2) na lumamang ng 25 points at nagsalpak ng kabuuang 18 triples.
Tumapos naman si Draymond Green na may 11 points, 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-walong triple-double sa season.
Sa Minneapolis, umiskor si J.R. Smith ng season-high 27 points at nag-ambag si Kevin Love ng 20 points, 9 rebounds at 4 assists sa kanyang pagbabalik sa Minnesota para sa 125-99 panalo ng Cleveland Cavaliers laban sa Timberwolves.
Ito ang ikaanim na dikit na arangkada ng Cavaliers.
Nagdagdag si LeBron James ng 13 points, 12 rebounds at 8 assists at may 23 markers si Iman Shumpert para sa Cleveland.