MANILA, Philippines – Hindi nawawalan ng pag-asa si Filipina weightlifter Hidilyn Diaz na makukuha niya ang inaasam na tiket para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Inangkin ni Diaz, ang reigning Asian titlist sa women’s 53 kg category, ang bronze medal ng nakaraang world championships noong Nobyembre sa Houston para patibayin ang kanyang pag-asa sa silya sa 2016 Rio Olympics.
Inaasahang makakalaro siya sa Olympics sa ikatlong pagkakataon mula sa listahan na ipapadala ng International Weightlifting Federation sa Hunyo.
“Hindi ko pa muna iniisip na qualified na ako kasi mahirap na kung makuntento ako,” sabi ng tubong Zamboanga City. “Dapat kasi hindi ka makuntento kasi iyong mga kalaban mo ay hindi naman sila nagre-relax.”
Titiyakin ni Diaz na magiging perpekto ang kanyang porma sa paglahok sa 2016 Olympics.
“Titignan ko kung ano ang naging mali ko nung world championships kagaya ng body weight management, ia-address ko rin ‘yung technique ko, magkukunsulta rin ako sa strength and conditioning. Alam ko marami pa akong room for improvement,” ani Diaz.
Bumuhat si Diaz ng 96-117-213 para kunin ang bronze medal sa Houston world meet.
Dahil dito ay umakyat siya sa fourth spot sa 2016 Olympic Qualification Ranking List ng IWF para sa women’s 53-kg division.