MANILA, Philippines – Napalundag ng maayos ni Lester F. De Jesus ang sakay na Kulit Bulilit para magbida sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup kahapon sa Santa Ana Park.
Ang may apat na taong kabayo na mula sa inahing si Lifelively at istalyong First Blush ay naunang nakalundag sa mga kalaban sa pagbubukas ng aparato. Pero sadyang masasabing “stayer” o deremate ang Kulit Bulilit kaya naman dagliang naagaw sa kanya ang trangko ng mga de-boka o “sprinters” na kalaban.
Mula rito ay nanguna na ang dehadong si El Mundo na pinatungan ni J.D.Flores at kasunod ang mga dehadong Tang’s Dynasty, Bean, Beach Surfer at Dominatore.
Sa huling kurbada ay nahirapang malampasan ng unang paboritong Beach Surfer na dala ni J.B. Guerra itong si El Mundo na nagmatigas hanggang rektahan. Dito nakasilip ng puwang ang Dominatore ni Dan Camañero na nakapagparemate sa may tabing balya.
Nang papalampas na ang Beach Surfer ay nag-umento ang Dominatore pero ang tila nakapagpahinga na si Kulit Bulilit dahil hindi muna kumilos sa kaagahan ng karera at sumingit sa pagitan ng dalawang nangungunang kabayo.
Eksakto pagtapak sa finish line ay may kalahating katawang kabayo ang agwat ng Kulit Bulilit mula sa Dominatore na may isang ulong kalamangan sa Beach Surfer na tersero at nakabuntot rin para sa ikaapat na puwesto ng panibagong one horselenght si El Mundo.
Tinapos ng Kulit Bulilit ang PSA Cup sa bilis na 1:14.8 na may quarter times na 25, 23 at may dating pang 26-medya sa distansiyang 1,200 meters.
Nagdiwang ang koneksyon ng Kulit Bulilit na sina Angeline Chua (may-ari); Nelson Lorica (trainer) at De Jesus (hinete) nang masungkit ang paprem-yo ng pakarera para sa pinaka-prestihiyosong grupo ng mga sportswriters and sports editors.
Nagbigay ang forecast combine na 11-1 tambalang Kulit Bulilit at Dominatore ng P144.00 sa bawat P5 wager at naka-dibidendo rin ito ng P166.50 sa bawat isang ticket sa doubles na 7/11 na kumabit kay Run Atop.