MANILA, Philippines – Kahit pa umuulan nitong Martes ay maagang nagsipuntahan ang mga racing aficionados sa kani-kanilang paboritong off-track betting stations.
Pero naging sagabal sa ating pagdiskarte ang moonsoon rains na dala ng bagyong si Nona.
Signal number one lang naman sa Kalakhang Maynila, pero sapat na ang buhos ng ulan para magdulot ng baha na nagpatrapik sa mga karerista.
Bunga nito ay naudlot ang panalo ng apat sana sa walong karerang nagawa ng handicapping office. Ang mga sinasabi natin na lamang sana sa panalo noong Martes ay ang Hook And Rules, Mrs. Jer, Vice Chancellor at coupled runners My Bilin at Chanson D’Or.
Kahapon naman ay makulimlim ang panahon.
Pero wala namang ulan na bumubuhos at kung magpapatuloy ang pagbuti ng panahon ay siguradong matutuloy ang karera.
At may tatlo nga tayong napipisil na pupuntos kagabi. Iyon ay ang Sweet Child Of Mine, Role Model at Purple Ribbon.
Ngayong gabi ay lilipat naman sa San Lazaro Leisure Park dito sa Carmona Cavite ang karera.
Pitong karera naman ang nagawa ng handicapping office na eksakto para sa paborito nating winner-take-all.
May tatlong kabayo rin ang sinisilip na iiskor. Ang una nga ay itong Cinderella Kid na isa ring stakes campaigner at pag-aari ni Neil Velasco at kinukundisyon ni JMP Jacob at ipinaubaya kay C.P. Henson ang renda.
Ang Bull Session na gagabayan naman ni Jo.B. Hernandez ang siyang magiging mahigpit niyang kalaban sa may 1,300 metro distansiyang karera, habang ang iba pang kasali ay ang Wanderlust, Think Twice, Appointment, Grace Park Boy at Sigma’s Treasure.
Napipisil rin na makakaulit ng panalo ang Splash Of Class na pag-aari at kinukundisyon ni Tek Heng Chua. Si R.M. Ubaldo naman ang siyang mamamatnubay sa kanya sa isang class division group-1B. Ang mga katunggali ay ang Real Pogi, Master Maker, Toscana, Isobel, Herran, Magdapio at I’m Your Lady.