Perpetual spikers sinaluhan sa liderato ang EAC

MANILA, Philippines - Pinatumba ng Perpetual Help ang St. Benilde, 25-21, 25-27, 25-20, 25-20 para makasosyo sa liderato ang defending champion Emilio Aguinaldo College sa 91st NCAA men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nagpasabog si Bonjomar Castel ng 13 kills para tumapos na may 20 hits at nagdagdag naman sina Manuel Doliente at Rey Taneo, Jr. ng 17 at 10 points, ayon sa pagkakasunod para sa 4-0 record ng Altas katabla ang Generals.

Sa women’s play, tinalo ng Perpetual Help ang St. Benilde, 14-25, 25-23, 25-21, 21-25, 16-14 para iposte ang 2-2 baraha.

Humataw si Cindy Imbo ng 19 hits para sa panalo ng Lady Altas kasabay ng pagpigil sa three-game run ng Lady Blazers.

Samantala, dinaig ng reigning champion Perpetual Help ang St. Benilde, 25-8, 25-8, 25-7 para sa kanilang 3-0 record sa juniors’ division.

Naglista si Ryuji Conrad Etorma ng 19 hits, kasama dito ang 9 attack points, 2 blocks at season-high na 8 aces, para sa panalo ng Junior Altas sa Junior Blazers (0-3).

“He played big for us,” sabi ni Perpetual Help coach Sandy Rieto kay Etorma.

Show comments