MANILA, Philippines – Hindi pa handang isuko ng Petron ang kanilang korona.
Binalikan ng Blaze Spikers ang Foton Tornadoes sa Game Two nang ilista ang 25-13, 25-21, 23-25, 26-24 panalo sa kanilang Philippine Super Liga Grand Prix championship series kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagpasabog si Brazilian import Rupia Inck ng 25 points, habang nagdagdag sina Aby Maraño at Dindin Santiago-Manabat ng tig-16 markers para sa Petron at itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three titular showdown ng Foton.
Binuhay ng Blaze Spikers, pinigilan ang pagbangon ng Tornadoes sa fourth set, ang kanilang hangaring makamit ang ‘Grand Slam’.
“We banked on our championship experience. Malaking bagay ‘yun lalo na nung dikitan na ang labanan. Iba din talaga ang may experience, lalo na sa mga beterano. Hindi sila sumuko,” sabi ni coach George Pascua.
Nagdagdag si libero Jen Reyes ng 25 excellent digs.
Pag-aagawan ng Petron at Foton ang korona sa Sabado sa Cuneta Astrodome.
Muling binanderahan ni American import Lindsay Stalzer, ang Tornadoes sa kanyang 23 points, samantalang nag-ambag sina Kathleen Messing at Jaja Santiago ng tig-11 points.
Iniwanan ng Foton ang Petron sa 23-24 sa fourth set bago angkinin ng Blaze Spikers ang huling tatlong laro.
Nang maitabla ni Inck ang laro sa 24-24 ay pinigilan naman ni Santiago-Manabat si Stalzer sa opensa ng Tornadoes.