MANILA, Philippines - Makikilatis kung sino sa dalawang kabayo na nanalo sa malalaking karera na pinaglabanan noong nakaraang Linggo ang tunay na mas matikas.
Ang Hagdang Bato at Low Profile ay magkakasubukan sa PCSO Anniversary Race sa Nobyembre 29 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang karerang ito ay dapat na ginawa noong Oktubre 18 pero nakansela dahil sa bagyong Lando.
Napaganda ang kanselasyon dahil tataas ang interes na sipatin ang karerang handog ng Philippine Charity Sweepstakes Office matapos ang magarang panalo ng Hagdang Bato at Low Profile.
Sakay ni Jonathan Hernandez, ang premyadong kabayo na Hagdang Bato ay nakatikim din ng stakes win sa 2015 nang dominahin ang MARHO Platinum Classic na ginawa sa 2,000-metro at kinuha ito ng kabayo sa bilis na 2:06.
Hindi nagpahuli ang Low Profile na hawak ni Mark Alvarez nang gumawa rin ng kaparehong ti-yempo sa banderang tapos na panalo sa Eduardo M. Cojuangco Cup.
Magsisikap na makasingit ng panalo ang iba pang kasali tulad ng Messi (JA Guce) at coupled entry Tap Dance (JB Guce), Pugad Lawin (P Dilema at Penrith (KB Abobo).
Sa isang milya paglalabanan ang karera na sinahugan ng P1.5 milyon at ang mananalo ay may iuuwing P800,000.00 sa may-ari ng kabayo.
Inaasahan na ginagamit ng Hagdang Bato at Low Profile bilang bahagi ng paghahanda sa prestihiyosong 2015 Presidential Gold Cup sa Disyembre 13 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ito ang pinakamalaking karera na pinaglalabanan taun-taon dahil ang mananalong kabayo ay mayroong P3 milyon gantimpala mula sa PCSO habang dagdag na P1 milyon ang manggagaling sa Philippine Racing Commission (Philracom). (AT)