Cignal HD Spikers nakalusot sa IEM Volley Masters

MANILA, Philippines – Nagpakita ng magandang depensa ang Cignal HD Spikers para maisantabi ang pagkatalo sa first set tungo sa 23-25, 25-22, 25-14, 25-17, panalo sa IEM Volley Masters sa Spikers’ Turf Reinforced Conference noong Miyerkules ng gabi sa The Arena sa San Juan City.

May apat na blocks si Jeffrey Lansangan para tulungan ang HD Spikers sa 10-2 bentahe sa blocks habang si Sandy Montero na mayroong 12 excellent digs upang hindi maapektuhan ng pangunguna ng IEM sa attack, 51-45.

Nanguna para sa nagwaging koponan si Lorenzo Capate Jr. sa kanyang 16 puntos habang sina Edmar Bonono at Lansangan ay naghatid ng 10 at 9 puntos para ipasok na rin sa semifinals ang Cignal sa tangan na 3-1 karta.

Nauna nang pumasok sa semis sa ligang inor-ganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera ang Air Force Airmen na hindi pa natatalo matapos ang apat na laro.

Ang IEM ay natalo sa ikatlong sunod na laro at ininda rin nila ang 41 errors.

Kailangan ngayon ng IEM ang maipanalo ang nalalabing dalawang laro para magkaroon pa ng tsansa na makaiwas sa maagang bakasyon.

May 20 kills at isang block tungo sa 21 puntos si Eden Canlas pero ang sumunod na best scorer ng IEM na si Karl Ian Dela Calzada taglay ang walong puntos lamang.

Show comments