MIAMI – Umiskor si Jeff Teague ng 26 points at nagbigay ng 9 assists habang tumipa si Al Horford ng 17 points para sa Atlanta na naisuko ang 15-point lead bago talunin ang Miami Heat, 98-92.
“Tonight was one of our better games,’’ sabi ni Budenholzer. “I know it’s five games in. They test you in a lot of ways. It’s a step in the right direction.’’
Nagdagdag si Paul Millsap ng 12 points at 10 rebounds at may 10 markers si Kent Bazemore para sa Atlanta na naipanalo ang kanilang ikaapat na sunod na laro matapos ang season-opening loss.
Humakot naman si Hassan Whiteside ng 23 points at 14 rebounds sa panig ng Miami.
Nag-ambag si Dwyane Wade ng 21 points bagama’t sinumpong ng migraine.
Tumapos si Goran Dragic ng 19 points at humatak si Chris Bosh ng14 rebounds para sa Heat na may 5-for-28 lamang mula sa 3-point range.
Sa Dallas, nakamit ng Toronto Raptors ang kanilang pinakamagandang panimula sa regular season sa franchise history.
Ngunit wala pang dapat ipagdiwang ang Raptors.
“We are off to great start. But we have to remember that this is a marathon, not a sprint,” sabi ni Toronto coach Dwane Casey matapos talunin ng Raptors ang Dallas Mavericks, 102-91, kahapon sa American Airlines Center para sa kanilang 4-0 record.
Umiskor si Kyle Lowry ng 27 points, kasama dito ang 9-for-15 fieldgoals shooting at nagdagdag ng 10 assists, 3 steals at 2 blocks.
Isang 12-0 atake sa fourth quarter ang ginawa ng Raptors para tuluyan nang kontrolin ang laro at ipalasap sa Mavericks ang ikalawang kabiguan sa apat na laro.
Noong nakaraang season ay nanalo ang Raptors ng 49 games.
“We just want to go out there and win every opportunity we get,” sabi ni DeMar DeRozan, nagdagdag ng 20 points para sa Toronto. “The previous games don’t matter, but the one that we got next (does). That’s how we’re treating this season.”