CHICAGO – Kilala sila sa kanilang mabilis na offense, ngunit ang matibay na depensa ang ipinakita ng Chicago Bulls sa season opener.
Ang supalpal ni Pau Gasol kay LeBron James ang isang tapik sa pasa ng Cleveland Ca-valiers sa huling mga segundo ng laro ang nagdala sa Bulls sa 97-95 tagumpay para sa unang panalo ng bagong coach na si Fred Hoiberg.
Umiskor si Nikola Mirotic ng 19 points at may 18 markers si Derrick Rose para sa pagpapasikat ng Bulls sa nanood na si President Barack Obama.
Matapos supalpalin ni Gasol ang layup ni James na siya sanang nagtabla sa Cavaliers ay tinapik naman ni Jimmy Butler ang inbound pass para sa four-time Most Valuable Player sa pagtunog ng final buzzer.
Umupo si Obama sa courtside para panoorin ang Bulls na nakahugot ng kontribusyon sa ilang players para talunin ang defending Eastern Conference champions.
Sa Oakland, California, umiskor naman si NBA MVP Stephen Curry ng 40 points para pamunuan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 111-95 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Nagsalpak si Curry ng pito sa una niyang siyam na tira, kasama dito ang apat na tres para tumapos na may 24 points sa first quarter.
Sa Atlanta, dinomina ng Detroit Pistons ang boards para kunin ang 106-94 panalo laban sa Hawks.
Kumamada si Andre Drummond ng 18 points at 19 rebounds at nagtala si Kentavious Caldwell-Pope ng apat na triples para sa kanyang 21-point effort.