MANILA, Philippines – Nakapanilat ang mga hindi gaanong napaboran na mga kabayo sa pinaglabanang dalawang juvenile championship stakes races noong Linggo sa Metro Turf, Malvar, Batangas.
Natapos ang tatlong dikit na stakes win ng Spectrum nang pumangalawa lamang ito sa 2015 Philracom Juvenile Colts Stakes na pinaglabanan sa 1,400m race.
Ang Underwood na dala ni Jessie Guce ang siyang nakakuha ng panalo nang hindi namalayan ang pagharurot nito sa rekta.
Naunang nagbakbakan ang Spectrum na dala ni Dan Camañero Jr. at ang coupled entries na Uncle Ko ni Pat Dilema at Finishing Bells ni JB Cordova. Nakawala na ang Spectrum sa huling kurbada pero biglang sumulpot sa labas ang Underwood tungo sa panalo.
Halagang P600,000.00 ang panalong nakuha ng Underwood at ang mga nanalig sa galing ng kabayo ay kumabig ng P15.00 sa win. Nasa P23.00 ang ibinigay sa1-6 forecast.
Bago ito ay nakapagpasikat ang Subterranean River sa Juvenile Fillies stakes sakay ni JPA Guce na ginamit ang maluwag na balya para makuha ang panalo.
Pumangalawa sa Spectrum sa 2nd leg ng Juvenile Fillies at Colts stakes, nakuha rin ng Subterranean Rivers ang P600,000.00 unang panalo habang ang Hot Dog na napaboran sa pagdadala ni Jeff Zarate ang pumangalawa sa datingan.
May P16.50 ang ipinasok sa win at P65.00 ang dibidendo sa 6-3 forecast. (AT)